Friday, June 22, 2012

LIKOD NG PADER

“Ano ang lumikha ng ingay sa LIKOD NG PADER?”
Hinding-hindi ko makakalimutan ang bahay na aming nilipatan. Isa itong duplex sa may Brgy. Nayon, Antipolo City. Sinasabing ipinatayo ito ng dalawang magkamag-anak na ang isa ay patuloy na naninirahan sa isang bahagi nito. Ang isa ay umalis patungong ibang bansa kaya pinaupahan na lamang. Kami ang nakaupa sa kalahati.
Maayos naman ito. May isang maluwag na kuwarto sa itaas at isang banyo at maayos na sala at kusina. Sa may kalawakang bakuran ay may mayayabong na puno at malagong garden. Marami na ring bahay na nakatayo sa paligid.
Sa panahong inilagi ng aking pamilya dito ay sa sala ako natutulog bilang pagbibigay sa dalawa kong kapatid na babae at magulang ko na matulog sa itaas. Bale bantay na rin dahil bago pa lang kami sa lugar at di pa alam ang klase ng mga tao sa aming paligid. Kahit sa meaning ng ‘bantay’ ay hindi naman ako magpi-fit dahil may pagkaduwag ako.

Karaniwang ayos ko sa sala kapag walang magawa, nanonood ng TV, naninigarilyo o kaya umiinom ng beer. Minsan, pag-trip ko, lahat ‘yon ginagawa ko.

Minsan, habang naninigarilyo ako at nanonood ng T.V. ay may naulinigan akong kalabog na nagmumula sa firewall na naghahati sa duplex na aming tinitirhan. Hininaan ko ang volume ng TV sa pag-aakalang galing lang doon. Pero sa firewall talaga nagmumula ang kalabog na parang may nagmamaso sa kabilang bahay.” Sinipat ko ang relos ko. Ala-una na ng madaling araw. Disoras e nagpupukpok, sa loob-loob ko pa. Hinayaan ko lang. Tumagal ng mga tatlong minuto ang dagundong sa firewall. Nang tumigil ay nahiga na rin ako at nakatulog.
Nang sumunod na gabi ay naulit ang pagpupukpok sa pader. Inisip ko at pilit hinahanapan ng dahilan kung bakit magpupukpok ang kapitbahay namin sa ganoong oras na ang lahat ay natutulog na dapat. Pero wala akong maikatwiran. Isang kuwarenta anyos na biyuda kasi ang nakatira sa kabila at isang katulong. Bakit magpupukpok ang mga ito?
Kinabukasan ay tinanong ko ang pamilya kung naiistorbo sila ng ingay sa firewall tuwing hating-gabi pero wala naman daw sila naririnig na ingay.
Pero nasundan pa ang pukpok nang sumunod pang dalawang gabi. Kaya isang umaga ay kinausap ko na ang kapitbahay namin. Ang katulong na Gemma ang nakausap ko. Kilala naman ako nito.
“Sinong nagpupukpok d’yan sa inyo tuwing hating-gabi?” tanong ko.
“Sinong…magpupukpok?” kumunot ang noo nito sa pagtataka.
“Gabi-gabi na kasi akong nakakarinig na may parang bumabangga sa firewall.”
“Wala namang nagpupukpok sa amin, kuya!” pakli ng katulong.
Lumabas ang matandang babaeng may-ari sa front door ng bahay. Nakatingin sa amin. “Bakit, ano ‘yon Gemma?”tanong nito.
“May naririnig daw po siyang pumupukpok sa firewall tuwing gabi,” sagot ng maid.
“Tuwing hating-gabi!” paglilinaw ko.
Natigilan ang matandang babae. “Papasukin mo muna, Gemma!”
Pinapasok ako sa loob ng bahay. At isinalaysay sa akin ng matanda ang isang kuwento na labis na nagpatindig ng aking balahibo. Mayron raw itong anak dati na maglalabinlimang taong gulang. Namatay ito dahil sa brain cancer. Nagkaroon ng malignant tumor sa utak at huli na nang ma-diagnose. Inilihim ng bata ang sakit sa magulang upang huwag mag-alala ang mga ito sa kanya. Tiniis ang sakit at ang hirap na dala ng gayong sakit.
Ipinakita sa akin ng matanda ang picture ng bata. Binatilyo na rin kung tutuusin at may hitsura.
“Kapag inaatake siya, inuuntog niya ang kanyang ulo sa pader,” hindi na napigilan ng matanda ang mga luhang nangingilid lamang kanina sa mga mata. “Minsan, naabutan namin, dumudugo na ang ulo niya. Hindi na kaya ng kahit anong pain reliever.”
Tahimik lang akong nakikinig sa sinasabi ng matanda. Pero parang natataranta na ang mga ugat sa utak sa isiping ilang gabi na pala akong minumulto. Ang mga kalabog na naririnig ko ay likha lamang ng multo!
Pag-uwi ko ay para akong wala sa sarili. Tulala. Nang ikuwento ko ito sa aking pamilya ay takot na takot sila. Samantalang ako, matapos marinig ang kuwento ng matanda ay parang naawa sa halip na matakot. Buhat noon, madalas ko pa ring marinig ang pag-uuntog ng ulo sa pader at minsan, may kasama pa itong pag-ungol. Ang hindi ko mawari, naririnig ko lamang iyon kapag ang ayos ko sa sala ay naninigarilyo at umiinom ng alak. Para bang sinasabi sa akin ng multo na tigilan ko na ang mga bisyong iyon.
Wakas!

THIRD EYE

“Nangangarap ka bang magkaroon ng THIRD EYE?”
Alam ni Sofie na mayroon siyang sixth sense. Ilang beses na niyang napatunayan ito. Bata pa siya ay nakakakita na siya ng mga multo sa paligid. Iba-iba ang anyo, may parang bilog lang na liwanag o tinatawag na orb, mayroong hindi buo, mayroong medyo buo pero translucent, at mayroong malinaw na multo. Pero dini-deadma niya. Natutunan niyang paglabanan ang kanyang takot sa mga ito sa paglipas ng panahon. At patuloy siya sa pagkukunwaring wala siyang ganitong abilidad. Ibig niyang maging normal lamang na gaya ng ibang kabataan.
Nagpatuloy ang pagtatakwil ni Sofie sa kanyang sixth sense hanggang sa magkolehiyo siya. At kahit papaano, nari-realize niya na okey lang na may ganoong abilidad kaya nagbabasa-basa siya minsan ng libro sa college library tungkol sa mga multo.

Nasa third year college si Sofie nang makilala niya ang isang babaeng multo na nagngangalang Evelyn. Hapon na noon at ayaw tumigil sa pagsusungit ang kalangitan. Panay ang buhos ng ulan. Naghihintay siya sa waiting shed sa harap ng eskuwalahan kasama ang tatlong estudyante nang biglang may tumabi sa kanya. Akala niya ay estudyante rin pero nang lingunin niya ay multo pala. Nakasuot ito ng unipormeng pang-estudyante at kilala niya ang eskuwalahang may ganoong uniporme.
Tumingin sa kanya ang babae. At napansin niyang maganda ito.
Ako…si Evelyn…Tulungan…mo…ako, pagmama-kaawa ng babae. Ang tinig nito ay naririnig lamang niya sa kanyang isip.
Napalingon si Sofie sa mga estudyanteng nag-aabang ring tulad niya saka muling binalingan ang babae. Nakayuko na iyon na parang pinanonood ang agos ng tubig-ulan sa gilid ng kalsada.
Humakbang palayo si Sofie. Pilit na dini-deadma ang babae. Mabuti na lang at may napara agad siyang tricycle. Dalidali siyang sumakay.
Akala ni Sofie, titigilan na siya ng babae pagkatapos niyon. Pati sa loob ng campus ay sinundan na siya sa library, sa rest room, at sa classroom. Ganoon pa rin, nagmamakaawa, humihingi ng tulong. Para tuloy siyang baliw dahil napapansin ng kanyang mga kaklase ang kanyang pagkabalisa.
Sa huli ay hindi na rin napigilan ni Sofie ang mainis.
“Puwede ba? Patay na kayo kaya manahimik na kayo!” naisigaw niya. Nasa ladies room siya noon at naghuhugas ng kamay nang bumukas ang pinto ng isang cubicle at lumabas si Evelyn.
Kailangan ko lang ng tulong mo.. .nakikiusap ako.
Kinalma ni Sofie ang sarili. Anong tulong?
Inilibing ako sa bakanteng lote sa likod ng eskuwelahan niyo. Hinahanap ako ng aking mga magulang.
Inilibing ka, nino?
Gusto ko lang malaman ng aking mga magulang kung nasaan ako para hindi na sila umasang buhay pa ako.
May narinig si Sofie na paparating na mga estudyante.
Ano’ng gusto mong gawin ko ?
Bumukas ang pinto at pumasok ang tatlong estudyante. Lumabas si Sofie.
Nang sabihin ni Evelyn na puntahan niya ang mga magulang nito ay pumayag siya. Ibinigay sa kanya ni Evelyn ang isang kuwintas na magpapaniwala sa mga magulang nito na alam niya kung saan matatagpuan ang bangkay ni Evelyn. Sinamahan siya ni Evelyn. Nakauniporme pa siya dahil kalalabas lang niya sa eskuwela.
Ang nagbukas ay isang matandang katulong. Bumati si Sofie. Hinanap niya ang magulang ni Evelyn. Pinatuloy siya sa loob ng may kamahalang bahay. Kasama niya si Evelyn at parang noon lamang ito nakauwi sa bahay. Patingin-tingin sa paligid.
Nang makaharap ang mga magulang ay sinabi niyang patay na si Evelyn at kung saan makikita ang bangkay nito. Ayaw maniwala ng ina pero nang ibigay niya ang kuwintas ay humagulgol ito. Sinulyapan niya si Evelyn at nakita niyang nakatayo ito sa harap ng bintana, malungkot na nakatingin sa ina.
“Paano mo nalaman lahat ng ito?” tanong ng ama.
“Hindi ko po alam kung paano ko ipaliliwanag ang aking sarili pero noong isang araw ay lumapit sa akin si Evelyn. Humingi siya sa akin ng tulong.”
Hindi makapaniwala ang mga kaharap niya.
“Isa na po siyang multo!” dugtong ni Sofie.
“Sino raw ang gumawa sa kanya?” tanong ng ama.
“Ayaw n’ya pong sabihin?”
“Nasaan ang anak ko? Nandito ba siya? Gusto ko siyang makita,” tanong naman ng humahagulgol pa ring ina.
Sinulyapan muli ni Sofie si Evelyn. Tumango ito.
“Nandito po siya.”
Binuksan ni Evelyn ang bintana at pumasok ang sariwang hangin sa sala. Napalingon ang lahat, pati ang mga katulong na nakatayo sa paligid.
“Ang gusto lang po ng inyong anak ay mapanatag kayo para malaya na siyang makaalis.”
Umiyak na rin ang ama.
Kinabukasan ay kasama si Sofie sa bakanteng lote sa likod ng kanilang eskuwelahan. Nahukay nila ang kalansay na labi ni Evelyn. May mga ilang nakaunipormeng awtoridad ang nagsagawa ng imbestigasyon. At nang matapos ang pagkuha sa labi ni Evelyn ay nagpasalamat sa kanya ang ama nito. Nasulyapan ni Sofie si Evelyn sa may di kalayuan. Nakangiti.
Salamat…
Ginantihan ni Sofie ng simpleng ngiti si Evelyn.
Wakas!