“Ano ang lumikha ng ingay sa LIKOD NG PADER?”
Hinding-hindi ko makakalimutan ang bahay na aming nilipatan. Isa
itong duplex sa may Brgy. Nayon, Antipolo City. Sinasabing ipinatayo ito
ng dalawang magkamag-anak na ang isa ay patuloy na naninirahan sa isang
bahagi nito. Ang isa ay umalis patungong ibang bansa kaya pinaupahan na
lamang. Kami ang nakaupa sa kalahati.
Maayos naman ito. May isang maluwag na kuwarto sa itaas at isang
banyo at maayos na sala at kusina. Sa may kalawakang bakuran ay may
mayayabong na puno at malagong garden. Marami na ring bahay na nakatayo
sa paligid.
Sa panahong inilagi ng aking pamilya dito ay sa sala ako natutulog
bilang pagbibigay sa dalawa kong kapatid na babae at magulang ko na
matulog sa itaas. Bale bantay na rin dahil bago pa lang kami sa lugar at
di pa alam ang klase ng mga tao sa aming paligid. Kahit sa meaning ng
‘bantay’ ay hindi naman ako magpi-fit dahil may pagkaduwag ako.
Karaniwang ayos ko sa sala kapag walang magawa, nanonood ng TV,
naninigarilyo o kaya umiinom ng beer. Minsan, pag-trip ko, lahat ‘yon
ginagawa ko.
Minsan, habang naninigarilyo ako at nanonood ng T.V. ay may
naulinigan akong kalabog na nagmumula sa firewall na naghahati sa duplex
na aming tinitirhan. Hininaan ko ang volume ng TV sa pag-aakalang
galing lang doon. Pero sa firewall talaga nagmumula ang kalabog na
parang may nagmamaso sa kabilang bahay.” Sinipat ko ang relos ko.
Ala-una na ng madaling araw. Disoras e nagpupukpok, sa loob-loob ko pa.
Hinayaan ko lang. Tumagal ng mga tatlong minuto ang dagundong sa
firewall. Nang tumigil ay nahiga na rin ako at nakatulog.
Nang sumunod na gabi ay naulit ang pagpupukpok sa pader. Inisip ko at
pilit hinahanapan ng dahilan kung bakit magpupukpok ang kapitbahay
namin sa ganoong oras na ang lahat ay natutulog na dapat. Pero wala
akong maikatwiran. Isang kuwarenta anyos na biyuda kasi ang nakatira sa
kabila at isang katulong. Bakit magpupukpok ang mga ito?
Kinabukasan ay tinanong ko ang pamilya kung naiistorbo sila ng ingay
sa firewall tuwing hating-gabi pero wala naman daw sila naririnig na
ingay.
Pero nasundan pa ang pukpok nang sumunod pang dalawang gabi. Kaya
isang umaga ay kinausap ko na ang kapitbahay namin. Ang katulong na
Gemma ang nakausap ko. Kilala naman ako nito.
“Sinong nagpupukpok d’yan sa inyo tuwing hating-gabi?” tanong ko.
“Sinong…magpupukpok?” kumunot ang noo nito sa pagtataka.
“Gabi-gabi na kasi akong nakakarinig na may parang bumabangga sa firewall.”
“Wala namang nagpupukpok sa amin, kuya!” pakli ng katulong.
Lumabas ang matandang babaeng may-ari sa front door ng bahay. Nakatingin sa amin. “Bakit, ano ‘yon Gemma?”tanong nito.
“May naririnig daw po siyang pumupukpok sa firewall tuwing gabi,” sagot ng maid.
“Tuwing hating-gabi!” paglilinaw ko.
Natigilan ang matandang babae. “Papasukin mo muna, Gemma!”
Pinapasok ako sa loob ng bahay. At isinalaysay sa akin ng matanda ang
isang kuwento na labis na nagpatindig ng aking balahibo. Mayron raw
itong anak dati na maglalabinlimang taong gulang. Namatay ito dahil sa
brain cancer. Nagkaroon ng malignant tumor sa utak at huli na nang
ma-diagnose. Inilihim ng bata ang sakit sa magulang upang huwag
mag-alala ang mga ito sa kanya. Tiniis ang sakit at ang hirap na dala ng
gayong sakit.
Ipinakita sa akin ng matanda ang picture ng bata. Binatilyo na rin kung tutuusin at may hitsura.
“Kapag inaatake siya, inuuntog niya ang kanyang ulo sa pader,” hindi
na napigilan ng matanda ang mga luhang nangingilid lamang kanina sa mga
mata. “Minsan, naabutan namin, dumudugo na ang ulo niya. Hindi na kaya
ng kahit anong pain reliever.”
Tahimik lang akong nakikinig sa sinasabi ng matanda. Pero parang
natataranta na ang mga ugat sa utak sa isiping ilang gabi na pala akong
minumulto. Ang mga kalabog na naririnig ko ay likha lamang ng multo!
Pag-uwi ko ay para akong wala sa sarili. Tulala. Nang ikuwento ko ito
sa aking pamilya ay takot na takot sila. Samantalang ako, matapos
marinig ang kuwento ng matanda ay parang naawa sa halip na matakot.
Buhat noon, madalas ko pa ring marinig ang pag-uuntog ng ulo sa pader at
minsan, may kasama pa itong pag-ungol. Ang hindi ko mawari, naririnig
ko lamang iyon kapag ang ayos ko sa sala ay naninigarilyo at umiinom ng
alak. Para bang sinasabi sa akin ng multo na tigilan ko na ang mga
bisyong iyon.
Wakas!
No comments:
Post a Comment